Prosa: Kung Bakit pa Tayo Nagsusulat

Reshnee Tabañag
5 min readJun 27, 2022

--

Writing Prompt 1

Disclaimer:

This prose is in the medium of Filipino language. This is written in such manner in order for me to [at least] determine how many Filipino writers I’ve been following or have followed me are active in this writing platform. I can’t wait to write something for my international writer friends here, too! Let’s catch up soon.

Naabutan ko minsan si Ginoong Egay na kasalukuyang nagtuturo sa Ateneo De Manila ng Panitikang Filipino at awtor ng kwentong “Janus Silang” na nagkaroon ng isang Book Club Session. At patungkol sa tanong kung bakit pa tayo nagsusulat, nasambit niyang, “kung masaya lamang palagi ang buhay, siguro’y hindi na tayo nagsusulat ng panitikan ‘pagkat uubusin na lamang natin ang mga araw upang damhin ang mga masasayang sandali sa pamamagitan ng ibang mekanismo.” Napagtanto kong, tama nga naman; may punto siya! Hindi mabilang-bilang ang mga rason sana kung bakit pa tayo nagsusulat; kung bakit hanggang ngayon, tumatangkilik parin tayo sa mga aklat kung gayung makaluma na raw ang mga ito kompara sa iba’t-ibang salik ng mga teknolohikal na panlibang.

Ito, alam ng tunay kong mga kaibigang nababaliw ako sa pagbabasa’t, pagsusulat. Singlawak nga lamang ng karagatang Pasipiko ang buong kaligiran ng pagbasa’t ako’y hamak na tuldok lamang sa buong buhanginan. Kaya kung magtatanungan pa tayo kong anu’t anong mga libro sa bawat siglo ang aking nabasa’y, siguro’y ikukwento ko ang pagiging magiting at makapangyarihan ng mga sulatin ni Lualhati Bautista samantalang mababanggit mo naman ang mga naging ambag nina Severino Reyes, Lope Santos at Jose Villa sa kapanahunan ng mismong pananakop kung iyon ang paborito mong mga akda. O ‘di kaya’y ang mga makabagong sulatin nina sir Egay at ng paborito kong manunulala kagaya ni Severo — silang mga bagong sibol ng mga manunulat sa literatura. Higit sa lahat, makakaligtaan ko pa nga ba si Ginoong Ricardo Lee na kasalukuyan lang nadeklarang Nasyonal Artist sa Panitikan.

Kung hindi pagbabasehan ang panahon at mga siglo, napakasagrado ng pagsusulat at mga panulat sa’king turing.

‘Yun bang ideyang nalalampasan nito ang lahat ng mga pangyayari — magaganda o masasakim, nakaya nitong lampasan.

Wala ninuman ang makakapagpapatigil sa isa upang magsulat. Hindi isang bagay ang pagsusulat upang magiging luma, kahit na siguro’y bagay ang kategorya ng mga aklat at materyal itong nasusubok ng panahon, ngunit ang esensiya ng isang panulat? Ito’y buhay! Kahit hindi sa lahat ng sandali napapanahon subalit ito’y repleksiyon parin ng mga nagdaan — sa araw-araw. Sa taliwas, ang pagsulat sa makatotohanan, ay isang gawain. Gawain ito ng mga nagmamahal, ng mga bayani, ng mga magigiting, ng mga hindi nakokontento sa ngayon, sa mga pilit nagbabalik-balik sa pinto ng mga nakaraan upang mas mapaghandaan ang kasalukuyan at mga hinaharap, at higit sa lahat, ang pagsusulat ay para sa mga tumatangis. Tumatangis sa takot at balisa ng hinaharap ‘pagkat maliban sa konseptong isang estetika ang pagsusulat, hindi parin nito kayang lipulin ang lawak ng buong uniberso at higante parin ang posibilidad na ang lahat ng mga nalathalang mga panulat ay hindi sapat. Kailan man hindi magiging sapat ang milyong mga aklat, ang milyong mga tinta at nailimbag na mga akda.

Maiisipan pa kayang tumigil ng isang manunulat kung gayong, wala namang pumupigil sa kanya, kung hindi ang pansariling mga takot lang din ng isa?

Hindi mabilang ang rason kung bakit tayo nagsusulat. Hanggang ngayon nga’y, may mga puntong hindi ko minsan masagot ang katanungan. Totoong nagsusulat ako sapagkat may pangangailangang nais maekspres ang isang ideya, kahit na hindi naman ganap ang pagkakahabi ng mga ito.

Isali ko na rin sa listahan ang ‘di maubos-ubos na mga iniisip na nagmumulto sa’kin bawat gabi na wari bang nanghahablot ng kumot — hindi ako pinapatulog. Na para bang sinusubukan nitong iparamdam sa’kin ang ginaw ng gabi na pilit kong tinatakasan sa pamamagitan ng pagtago sa ilalim ng kumot at pagyakap sa mga unan; na para bang binabawi ako, hinahatak paalis sa mundo ng pagiging tahimik, sa mundong walang kahulugan. Hindi ako nito pinapayagang maging komportable sa buhay, at paulit-ulit ibinubulong ng mga ideyang ito na, ang komportableng buhay ay hindi sa lahat ng sandali ang totoong depinisyon ng pagkabuhay.

At may mga pagkakataong minsan, kailangan mong malampasan ang bingit ng kamatayan upang mas masabing ika’y totoong nabuhay.

Nagsusulat ako sapagkat may mga kwentong dapat isabuhay, at hindi sila nasusukat — kasinglawak ng uniberso.

‘Pagkat kung walang mga manunulat na tumatangis at walang mga taong nagpapahatak sa masalimoot na mundo, ay maglalaho lamang ang lahat ng mga kwento hanggang sa mauubusan na tayo ng mga pabulang nagsasalaysay patungkol kay Pagong at Matsing, hanggang unti-unti naring mamamatay ang mga kwentong-bayan tungkol sa mga nuno at mga manananggal at darating ang panahon, sigurado akong darating. Na hindi na maaabutan ng ating mga apo ang makabuluhang alamat nina Malakas at Maganda at hindi na magiging bantugan ang mga sawikain, kung walang mga nagpapakabaliw sa sining ng mga ideya at letra.

Kaya ang mga posibilidad na ito, ang rason kung bakit ako nagsusulat — kinakailangan kong magsulat, kailangan kong mabuhay at kailangan kong maisabuhay ang mga kwentong dumadaloy sa pagitan ng mga malalalim at malalawak na mga sapa ng buhay.

Nagsusulat dahil dumadaloy ang kwento, kung sapa o ilog o karagatan man ang mga ito, naniniwala akong kailangan kong makarating sa laot.

Kinamumuhian ng disiplinang panitikan ang mamalagi sa pampang, sa kadahilanang, maiingay ang mga mababaw na parte ng katawang-tubig. Sa katotohana’y nakakagawa ng himig ang laot; ang mga pahapyaw na hangin at ang tanawin ng kalangitan — itong lahat ay makabuluhan, minsan nakakatakot nga lamang. Ang pagsusulat ay para sa mga matatapang, sabi nila. Isipin mo ang paglimbag ng isang akda, hindi ito ganoon kadali sa inaakala ng lahat o kahit na ng mismong mga mambabasa. Naikwento ng isang kaibigan kong manunulat ang tungkol sa talambuhay niyang lumipas pa ng tatlongpung taon bago niya tuluyang napailimbag at napagkakakitaan. Ang pagsusulat ay nangangailangan ng puhunan kagaya ng dedikasyon, ng mas higit pang dedikasyon, at higit sa lahat ng mas ‘di nasusukat na dedikasyon lalo na sa mga panahong parang wala namang nababago sa mga panulat na ginagawa mo. Dedikasyon! Dedikasyon ang puhunan. Para sa mga matatapang lamang ang pagsusulat, sabi nila. Ngunit, kadalasan, nagsusulat ako dahil sa mga takot na ‘di nabigyang pagkakataon. Nagsusulat ako dahil ang dali kong maiyak lalo na’t hindi ko parin naman talaga magagawang ipabasa ang nalilipong mga tula; siguro’y dahil sa pag-aalinlangan subalit nangangarap paring, balang araw baka maipalimbag ko ang mga ito. Kahit na sang-ayon akong ang pagsusulat ay para sa mga magigiting, sa taliwas na banda, nagsusulat ako sapagkat duwag at nag-aalinlangan.

Nagsusulat ako habang naniniwalang, may naidudulot na ganda ang lahat ng aking pagtatangka.

Pasasalamat:

Salamat sapagkat binasa mo ang prosa ko hanggang sa dulo. Nawa’y patuloy tayong magsusulat at magbabasa kahit na minsan, parang wala naman itong malalim na pakahulugan. Kung aktibo ka sa platform na ito, inaasahan kong magiging ‘mutual followers’ tayo. Hanggang sa susunod na writing prompt!

--

--

Reshnee Tabañag

“Stories have to be told, or else they die.” Narratives// People// Places//Poetry//Books// I scribe my thoughts// Contact: resh.business10@gmail.com